Ghost story na hindi pala!

(Last Part)

ANG bahay na nirentahan ng pamilya nina Jojo at Maris sa Canada ay itinayo pa noong 1950s kaya ang mga gamit dito ay talagang lumang-luma na. Simula nang sila ay lumipat dito, kung anu-anong kababalaghan ang kanilang nararanasan.

May makikita si Maris na babaeng naglalakad sa salas pero kapag lalapitan niya ay bigla itong mawawala. Si Jojo naman ay nakakaranas ng bangungot. Magigising ito sa kalaliman ng gabi na may sumasakal sa kanya ngunit wala naman siyang makitang tao na maaaring gumawa nito.

Ang kanyang mga anak na hindi sakitin noong nasa Pilipinas pa sila ay laging inuubo at nagkaroon ng asthma. Honor students sila noong nasa Pilipinas pero pagdating sa Canada, lagi silang napapatawag sa school dahil nakikitaan daw ang mga ito ng kawalan ng interes sa pag-aaral.

Naisip ni Maris na may kinalaman ang nirerentahang bahay sa mga masamang nangyayari sa kanila. Kaya’t sa tulong ng tiyahin ni Maris, kumunsulta sila sa kakilala nitong psychic at paranormal expert. Sa masusing pag-iimbestiga, walang paranormal activities sa bahay na luma. Ang nararanasan lang nila ay hallucination dulot ng carbon monoxide poisoning. Sira na pala ang heater na pinaaandar ng gas. Kaya pala kapag winter ay sunud-sunod ang nakikita nilang apparition ng kung ano-anong multo. Iyon pala ay dahil sa ganitong panahon nila ginagamit ang sirang heater na nagbubuga ng carbon monoxide.              

Show comments