Suicide sa mga teenager

MARAMI-RAMI na ring kabataan ang nag-iisip ng suicide bilang solusyon kapag sila’y sumusuong sa matitinding problema. Hindi lamang dahil sa problema sa pag-ibig kundi dahil sa problema sa pamilya. Sa mga adults, karaniwang dahil ito sa kanilang trabaho, isyung pinansiyal, at mga relationships. May mga suicide na natutuloy sapagkat gumamit ng lason hindi minumog lamang kundi nilaklak, nagbigti, tumalon mula sa mataas na gusali, naglaslas ng pulso, o nagbaril. Pero marami ring ginagamit ang suicide bilang panakot lamang – walang intensyong totoong mamatay kundi kunin lamang ang atensyon ng magulang o sinisinta.

Kayo mismo ay maaaring may kuwento ng isang kaanak, kaibigan, o kakilala na nag-suicide o nagtangkang mag-suicide. Nitong mga nagdaang taon, marami rin tayong nabalitaang kaso ng mga teenagers na lumundag mula sa building o nagbaril para wakasan ang buhay. Sobrang nakalulungkot ang ganitong kuwento.

Noong nasa high school pa ako sa Nueva Ecija, nagkaroon kami ng kasambahay na kamag-anak din namin. Teenager pa lamang siya noon pero waring bitbit na niya ang problema ng kaniyang buong pamilya habang namamasukan siya sa amin. Muli kasing nagkaanak ang kaniyang magulang at wala naman halos trabaho ang mga ito. Marami na rin siyang kapatid pa. Naatang sa kanyang balikat ang pagtulong sa pagpapalaki ng mga kapatid. At sa panahong may “day off” siya, sa halip na maglibang at magpahinga lamang siya, siya pa rin ang naglalaba ng mga damit ng kaniyang pamilya kapag umuuwi siya sa kanila. Isang araw, matapos siyang mapagsabihan ng aking ina nang mapabayaan niya nang di sinasadya ang bunso kong kapatid na inaalagaan niya at nasugatan ito, bigla na lamang siyang tumakbo sa aming kamalig at buong-tapang na nilaklak ang bote ng pesticide na ginagamit sa bukid. Nang naghihingalo na siya, nasabi pa niya sa lolo ko na “Tatang, mamamatay yata ako…” Malungkot ang naging wakas ng kanyang kuwento. Pero kung papansinin ang kanyang mga huling sinabi,  nandun ang salitang “YATA.” Hindi niya iniisip na matutuloy ito sa kanyang kamatayan.

Normal bang mag-isip ng suicide? Ang suicide ay isang uri ng pagkitil sa sarili. Napaka-common na naiisip ito ng karamihan kapag waring walang malinaw na solusyon sa dinaraanang problema. Pero kahit karaniwan itong naiisip, iilan lamang ang nangangahas na saktan talaga ang sarili. Kung sumagi lamang ito sa isip at agad namang inalis ito, masasabi pang normal ito. Pero kung seryoso nang iniisip talaga ang suicide, o nagpahiwatig na siya na gustong mag-suicide, o may aktuwal nang pagtatangka na magpakamatay, HINDI na ito normal.

Kailangan nang hingin ang tulong ng isang psychologist, psychiatrist, counselor, magulang, kaibigan, o kaanak kung may thoughts ng suicide ang isang tao.  Mahalagang mabigyan siya ng stress management o kung kailangang mabigyan ng gamot, maibigay agad. Tanging isang doktor lamang – isang psychiatrist – ang puwedeng magreseta ng gamot. Kaya kung may nagsabi sa inyo na naiisip na niyang magpakamatay, sabihin agad ito sa isang concerned adult kahit pinapangako pa kayo na isikreto lamang ito. Ang mga ganitong thoughts ay di dapat binabalewala lamang. Dapat nating seryosohin ang mga ganitong bagay. Humingi ng tulong kung kinakailangan.

Belated Happy Birthday kay G. Manny Ney ng Paco, Manila. Siya ay dating branch manager ng Metrobank, kabiyak ni Gng Juliet Pua-Ney (dati ring manager ng isa pang Metrobank branch) at butihing ama nina Joyce, Jean, at Jen. Siya ay masugid na tagasubaybay ng kolum na ito.

Show comments