EDITORYAL - Tanggalin muna ang mga ‘bulok’ sa LTO

MARAMING “bulok’ na empleado sa Land Transportation Office (LTO) at sila ang dahilan kung bakit maraming sasakyang bulok ngayon sa kalye. Ang mga bulok na sasakyan ay nairehistro dahil “nalagyan” ng pera ang mga corrupt sa LTO. Kung may pera ang magpaparehistro, kahit walang preno, kalbo ang gulong at walang ilaw ang sasakyan, puwede itong marehistro. Money down muna at mabilis na itong marerehistro.

Mas mainam kung uunahin munang linisin ang mga bulok sa LTO bago ang pagwalis sa mga bulok na sasakyan. Mas maganda kung si President Duterte ang magsisimula para mawalis ang mga bulok sa LTO.

Sinimulan na ng MMDA at LTFRB ang kam­panya nilang “Tanggal Bulok, Tanggal Usok” bilang pagtalima sa jeepney modernization ng pamahalaan. Ngayong Enero ang itinakdang pagtatanggal sa mga sasakyang luma o karag-karag. Ilang beses sinabi ni Pres. Rodrigo Duterte na ang mga jeepney operator at driver na hindi susunod sa modernization ay ipasusuyod niya para mawala ang mga ito sa kalsada. Hindi raw siya nagbibiro sapagkat ang planong ito ay matagal nang dapat ipatupad at ngayong siya na ang nasa puwesto, ipatutupad niya ito. Hindi raw siya nagbibiro. Talagang wawalisin ang mga sasakyang bulok na nagdudulot ng air pollution at trapik sa Metro Manila.

Maraming corrupt sa LTO na pinagkakaperahan ang pagrerehistro ng mga lumang sasakyan. Ayon sa isang report, umano’y nasa P7,000 ang bayad sa mga corrupt sa LTO para marehistro ang sasakyan. Hindi na raw kailangang magpakita pa ang may-ari ng sasakyan at presto! Maski ang sasakyan na walang ilaw sa harapan at seatbelt ay puwedeng irehistro basta may pambayad sa mga corrupt sa LTO.

Unahin ang mga “bulok” sa LTO at mawawala rin ang mga bulok na sasakyan sa kalye. Kailangang basagin ng Presidente ang nangyayaring korapsiyon sa LTO.

Show comments