EDITORYAL - Isailalim sa lifestyle check ang mga taga-BIR

GALIT si Pres. Rodrigo Duterte sa mga corrupt. Gusto niyang mawalis ang mga corrupt. Kamakailan lang, ipinag-utos niya ang paglilinis sa mga ahensiya ng pamahalaan. Huwag na raw hintaying siya pa ang magpahiya sa mga inireklamong opisyal at empleado ng pamahalaan. Magbitiw na lang daw sa puwesto ang mga inirereklamo para wala nang problema.

Seryoso ang Presidente na mawala ang corruption kaya naman dapat tumalima ang mga pinuno ng tanggapan  para linisin ang kanilang department. Ipakita na sinusuportahan nila ang kampanya ni Digong laban sa katiwalian.

Isa sa dapat tutukan ay ang Bureau of  Internal Revenue (BIR) na nasa ilalim ng Department of Finance (DOF). Maraming corrupt na empleyado ang BIR sa kabila na may kampanya ang Duterte administraion. Noong isang araw, ipinag-utos ng DOF ang pag-lifestyle check sa 70 empleado ng BIR. Ayon sa report, karamihan sa 70 empleado ng BIR ay sandamakmak ang mga ari-arian --- lote, bahay at mga mamahaling sasakyan.

Halimbawa, ang isang empleado roon na sumasahod lamang ng P80,000 yearly ay nagmamay-ari umano nang maraming lote at halos taun-taon ay bumibili ng iba pang mga ari-arian.  Ayon kay Finance Undersecretary Bayani Agabin, hindi kakayanin ng empleado na may suweldong P80,000 yearly ang pagbili ng mga lote.

Nararapat ngang i-lifestyle ang  mga taga-BIR. Maraming corrupt sa nasabing ahensiya pero hindi nabubulgar. Dapat magkalakas ng loob o magmalasakit ang ibang pang empleado na isuplong ang mga corrupt sa kanilang tanggapan.

Nararapat tulungan si Duterte sa paglutas sa corruption. Hindi niya makakayang resolbahing mag-isa ang nangyayaring pagsasamantala sa kaban ng yaman. Kailangang mayroong magkukusa na ituro ang mga ito para ganap na maparusahan o masibak sa puwesto. Dapat nang wakasan ang pagsasamantala ng mga “buwaya”.

Show comments