Railway company sa Japan, humingi ng paumanhin matapos mapaaga ng 20 segundo ang pag-alis ng tren sa istasyon

HUMINGI ng paumanhin ang operator ng tren sa Tokyo, Japan matapos umalis ang isa sa mga tren nito ng mas maaga ng 20 segundo kaysa sa nakatakdang schedule nito.

Umalis kasi ang isa sa mga tren ng Tsukuba Express mula sa Minami Nagareyama Station sa oras na 9:44:20 sa halip na 9:44:40.

Bagama’t wala naman raw nagreklamo sa nangyari ay humingi pa rin ng paumanhin ang Tsukuba Express sa mga pasahero nito sa anumang istorbo na naidulot ng mas maagang pag-alis ng kanilang tren mula sa nasabing istasyon.

Laging nasa oras ang mga tren sa Japan kaya malaking bagay na para sa railway company na umalis ng wala sa oras ang isa sa kanilang mga tren, kahit na mas maaga pa ito.

Mahalaga rin kasi para sa kaligtasan ng lahat ang pag-alis ng mga tren sa tamang oras. Labinlimang segundo kasi bago umandar ang tren ay may maririnig na alarm na sinusundan ng isang anunsyo na nagbibigay babala sa pagsara ng mga pinto nito.

Hindi raw masusunod ang mga pag-iingat na ito kung aalis ng mas maaga ang tren, ayon sa tagapagsalita ng Tsukuba Express.

Ikinagulat naman ng kompanya ang atensyon na nakuha nito sa social media lalo na’t hindi naman daw ito ang unang beses na nag-isyu sila ng apology para sa tren nila na umalis ng mas maaga.

May nag-comment naman sa social media na kakaiba pa rin ang paghingi ng paumanhin ng kompanya kahit pa sa sabihing nasa kultura na ito ng mga Hapon.

Show comments