Revolutionary gov’t posible kaya?

MAGKAHALONG tuwa at pangamba ang bumalot sa bansa nang alisin sa Philippine National Police (PNP) at ilipat sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang operasyon ng war on drugs na sa paningin ng mga kritiko ay isang magandang taktika para supilin ang ilang pulis na hinihinalang sangkot sa negosyo ng iligal na droga. Marami na ring kaso ng palpak na operasyon ng PNP, lalo na ang pagkamatay ng mga inosenteng kabataan na ikinairita ng mamamayan at pinaniniwalaang nakaapekto sa trust rating ni Pres. Digong Duterte kaya sinamantala naman ng mga kalaban ng administrasyon kabilang ang mga maka-kaliwang grupo upang isulong ang kanilang malawakang pagkilos na maaring magdulot ng pangamba sa mga dayuhang negosyante at mauwi sa pagkabankarote ang pananalapi ng bansa at magdulot ito ng destabilisasyon.

Madaling maintindihan mula sa mga talumpati at press interviews ni Digong ang mga nagaganap at loobin nito kaya hindi na ikinabigla ng mga kritiko nang mag-warning ito na itatatag niya ang isang revolutionary government sakaling malagay sa peligro ang seguridad at kabuhayan ng bansa dahil sa destabilizers pero, nakagagambala rin ito sa mga kapartido ni Digong at mga kaalyado niya na nagmula sa iba’t ibang political party na sumusuporta sa kanyang administrasyon. Bagama’t hindi ito madaling gawin, marami pa rin ang kinakabahan kung magkatotoo ang change is coming!

Maari kasing mawalan ng kapangyarihan ang elected officials kung magkakaroon ng bagong tatag na gobyerno na pangangasiwaan lamang ng mga piling revolutionary government administrators.

Ganito ang ginawa noon ni Pres. Cory Aquino matapos ang EDSA 1 na pinatnubayan ni Sen. Aquilino “Nene” Pimentel na nagbalewala sa posisyon ng elected officials at pinalitan ng mga appointed officer in-charge na mga governor at mayors. Nabuwag din ang dalawang sangay ng Kongreso at Senado noon at naghalal na lamang muli ito ng masigurong durog na ang mga kalaban nila sa pulitika.

Naganap lamang ang matagumpay na pagpapalit ng anyo ng gobyerno noon dahil sa pag-aaklas ng mamamayan na sinuportahan ng AFP tulad ng EDSA 1 kaya naitatag ang revolutionary government pero taliwas ito ngayon, dahil ang nakaupong Presidente ang naghahangad ng pagbabagong anyo ng gobyerno na nangangailangan ng suporta ng sundalo. Baliktad yata ang sitwasyon mga kabakas. Wait lang!

Show comments