EDITORYAL - Upakan na ang riding-in-tandem

UMALAGWA nang todo ang riding-in-tandem. At walang ibang masisisi rito kundi ang Philippine National Police (PNP) na naging abala sa “Oplan Tokhang” at “Oplan Double Barrel”. Walang patid ang pagsalakay ng riding-in-tandem at parang bumabaril lamang ng manok. Walang pinipiling oras at kahit na sa katirikan ng araw ay sumasalakay. Walang kinatatakutan na pagkatapos barilin ang target ay walang anumang pahaharurutin ang motorsiklo at presto, tagum-pay ang misyon.

May pagkakataon pang nagtutumba sila ilang metro lamang ang layo sa police community precinct. At walang nakarespondeng pulis sa crime scene. Dahil kaya busy ang mga pulis sa pag-tokhang sa mga drug pusher at addict? Posible. Pati nga ang paglalagay ng checkpoint ay hindi na nila nagagawa dahil sa pagiging abala sa tokhang.

Pero ngayon ay wala nang maikakatwiran ang mga pulis kung bakit wala silang madakma o “mapatay” na riding-in-tandem. Ipinag-utos noong Miyerkules ni Pres. Rodrigo Duterte na bitawan na ng PNP ang kampanya laban sa illegal na droga at ipaubaya na lamang ito sa Philipppine Drug Enforcement Agency (PDEA). Huwag na umanong makikialam ang PNP o maski ang National Bureau of Investigation (NBI) sa drug campaign.

Ang utos ni Duterte ay ginawa ilang araw makaraang bumaba ang trust rating ng Presidente batay sa SWS survey. Nakakaladkad ang pangalan ni Duterte sa kampanya ng PNP sa illegal na droga kung saan, marami ang napapatay. Sabi naman ng PNP kailangan nilang ipagtanggol ang sarili sapagkat lumalaban ang drug suspect. Pero marami rin ang nagsabi na kahit sumusuko na ang mga suspect binabaril pa rin ang mga ito.

Ngayong wala nang “tokhang”, dapat ang atupagin ng PNP ay ang paglambat sa tandem. Ipakita na kaya nilang humuli ng mga mamamatay-tao na nakasakay sa motorsiklo. Kapag hindi sila nakadakma, maaaring paghinalaan na sila rin ang riding-in-tandem. Ngayon ipakita ang husay sa pag-tokhang, upakan na ang riding-in-tandem.

Show comments