‘SSS pasaway sa pahintay!’

PAGTUNTONG ng 60 taong gulang ng isang tao inaayos na niya ang lahat ng dokumento para sa benepisyong maaari niyang makuha mula sa matagal na pagtatrabaho.

Isa ang Social Security System (SSS) sa may pinakamaraming miyembro. Tumutulong ito sa kanilang mga miyembro kapag nagkasakit, namatay at nag-retiro na ngunit marami ring nagrereklamo tungkol sa serbisyo nila.

Isang senior citizen ang humingi ng tulong sa amin na si Artemio Carpio. Hindi pa daw umuusad ang hinihiling niyang retirement benefit sa SSS. Ang sabi sa kanya ay kinakailangan daw ma-cancel ang iba niyang SSS number bago pa mabigyan ng benepisyo.

Sa SSS Roosevelt Branch siya nag-file para sa kanyang ‘‘retirement benefit’’. Marso nang ipasa niya ito doon.

Tinawagan namin ang SSS Main Office at nakausap namin si Ms. Lilibeth Suralvo ng Media Affairs at ayon sa kanya ay kinakailangan na lang maghintay ni Artemio dahil nakansela na ang dalawang numero nito. Nire-request na lamang ang kanyang E1.

Isa pa sa humingi ng tulong sa amin ay si Jessita na may dulong numero na 5308. Ang na-ging problema niya ay tungkol sa benepisyo ng kanyang namatay na kapatid.

May asawa ang kanyang kapatid ngunit wala itong anak. Ang asawa daw nito ay may kinakasama na daw iba. Matagal na daw naghiwalay ang kanyang kapatid at ang asawa nito bago pa man siya mamatay.

Nagpunta na sila sa SSS upang humingi ng tulong at binigyan sila ng waiver para pirmahan ng kanyang bayaw na sila na lamang ang kukuha ng benepisyo ng kapatid ngunit hindi pumirma ang kanyang bayaw. Ang gusto nito ay ipadala nila ang death certificate ng kapatid at ito na daw ang maglalakad.

Humingi din kami ng advice kay Ms. Lilibeth kung anong maaaring gawin ni Jessita. Kinakailangan daw nilang sumulat ng reklamo at magsumite sila ng mga ebidensya na may kinakasama na ito ngayon. Kung sakaling ito ang tumatanggap ng benepisyo ay mahihinto ito. Walang anak ang kanyang kapatid kaya’t ang mga kapatid ang maaaring kumuha ng benepisyo.

Kompanyang hindi nagbabayad ng SSS naman ang problema ni Jose na taga Pampanga. Kinakaltasan daw sila pero nang mag-verify sila ay walang hulog ito.

Una nilang kailangang gawin ang magtungo sa SSS para ireklamo ang kompanya. Kakausapin nito ang kompanya tungkol sa benepisyong hindi naibibigay.

Maaari din silang magsampa ng kasong ‘Estafa’ dahil binabawasan sila at pinapaniwalang sa benepisyo nila ito napupunta. Malinaw na may panloloko na nangyayari dito.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Show comments