Speaker Alvarez, dapat sampolan

MISMONG si House Speaker Pantaleon Alvarez ang uma­min na siya ay may walong anak sa tatlong babae bukod sa kanyang legal na asawa.

Bilang isa sa mataas na opisyal ng gobyerno, hindi dapat kunsintihin si Alvarez sa kanyang mga nagawa na maituturing na taliwas sa isang kagalang-galang na opisyal.

May katwiran nga ang isang mayor sa Aklan na sinuspinde ng Ombudsman matapos na matuklasan na may anak ito sa ibang babae na hindi niya asawa.

Ang tinutukoy ko na sinuspinde ng Ombudsman ay si Altavas, Aklan Mayor Denny Refol.

Umaangal si Refol kung bakit siya lang ang sinuspinde samantalang maraming opisyal ng gobyerno ang may babae at anak din sa hindi legal na asawa.

Dapat siguro umapela si Refol na isunod na masuspinde ay si Alvarez na umamin na siya ay may mga anak sa babaing hindi niya legal na asawa.

May mga abogado na rin ang natanggalan ng lisensiya o na-disbar dahil sa pagkakaroon ng relasyon sa ibang babae.

Para kasing ipinagmamalaki pa ni Alvarez at sinabing baka maubos daw ang mga abogado kung ipapa-disbar dahil sa ibang babaing karelasyon.

Maaring isang pagyurak ito sa propesyon ng mga abogado na walang ibang babae pero ngayon ay maituturing na magkakapareho lang pala ang lahat nang abogado.

Nasaan na ang mga grupong dapat ay magbantay sa mga opisyal ng gobyerno tulad ni Alvarez na dapat ay kanilang sampahan ng disbarment case at ipasuspinde rin sa Ombudsman.

Show comments