EDITORYAL - Pulbusin ang Abu Sayyaf

ISA na namang dayuhan ang pinugutan ng ulo ng mga bandidong Abu Sayyaf noong Linggo nang hindi umabot sa deadline ang pagbabayad ng ransom money. Ang pinugutan ay si Juergen Gustav Kantner, isang German. Naganap ang pagpugot sa Bgy. Buanza, Indanan, Sulu. Ang nagsagawa ng pagpugot ay nakilalang si Muamar Askali alias Abu Rami. Humihingi ng P30 million ang mga bandido. Dinukot ang German  noong Nobyembre 2016.

Marami pa ang susunod na biktima kung hindi magsasagawa nang sunud-sunod na pagsalakay ang tropa ng gobyerno laban sa mga mamamatay-tao. Hindi sila titigil sa pangingidnap hangga’t nakikita nilang may nagbiigay ng ransom. Kaya isa lamang ang solusyon sa probema --- pulbusin na ang mga bandido. Huwag nang hayaang makapagbuo ng grupo. Tapusin na ang mga walang kaluluwa!

Noong nakaraang taon, dalawang Canadian ang pinugutan ng mga bandido. Ang una ay si John Ridsdel, 68, na hiningian ng P20 milyong ransom subalit hindi nakatupad ang pamilya. Ang ikalawa ay si Ro-bert Hall, 66, na pinugutan noong Hunyo 2016 nang hindi rin maibigay ang hinihinging ransom.

Si Ridsdel at  Hall, kasama ang Norwegian hotel manager na si Kjartan Sekkingstad at Pinay na si Marites Flor ay kinidnap noong Setyembre 21, 2015 habang nasa isang resort sa Samal Island, Davao del Norte. Napalaya naman sina Kjartan Sekkingstad at Marites.

Naganap ang pagpugot sa German na si Kantner habang nagsasagawa ng opensiba ang military. Mula nang maupo si President Duterte noong Hun­yo, sunud-sunod ang pagsalakay sa kuta ng Abu Sayyaf. Marami nang napatay na bandido. Pero sa kabila ng pagsalakay, hindi pa rin malipol ang mga ito.

Kailangang patindihin ng AFP ang kanilang opensiba. Hindi dapat paudlot-udlot ang pagsalakay sa mga bandido. Isang malawakang pagsalakay para masigurong pulbos na ang mga mamamatay-tao.

Show comments