Mga pulis, pulitiko atbp., ‘nganga’ sa expanded STL!

KUNG ang expanded Small Town Lottery (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang gagamitin ni President Digong na behikulo para sa kampanya niya sa corruption, nasa tamang landas siya. Kapag ipinatupad ni Digong ang expanded STL, halos lahat nang sugal lupa ay sarado at open secret naman ‘yan mga kosa na nakasuso rito ang mga operating units ng Philippine National Police (PNP) at mga pulitiko. Nakikinabang din sa sugal lupa ang Office of the Internal Security (OIS) ni DILG Sec. Mike Sueno, ang opisina ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Dante Gierran at Games and Amusement Board (GAB). Isama ko na rin ang mga barangay chairman at mga hao shiao sa media. Mawawala ang mga salitang “orbit”, “weekly intelihensiya,” payola, hirit, coins out at iba pa at papalitan ito ng salitang “nganga.” Hahaha! Marami ang magugutom sa pag-implement ng expanded STL subalit malaki ang gagampanang role nito para mabura ang corruption sa bansa, di ba mga kosa?

Hindi pinapalakpakan sa Camp Crame si PCSO chairman Jose Jorge Corpuz sa expanded STL dahil mawawalan sila ng grasya, di ba CIDG chief Dir. Roel Obusan Sir? Kasi nga pag nagkataon, kararampot o sa discretion lang ng PCSO kung magkano ang iabot sa mga opisyales ng PNP, na naatasang magsagawa ng Oplan Tokhang sa mga sugal lupa. Ang tanong ng mga opisyales ng PNP kay Corpuz, “Saan sila kukuha ng pondo sa anti-crime campaign nila? “Abot naman kasi ni Corpuz na ang pitsa na galing sa sugal lupa ang ginagamit para tugisin ang mga kriminal, lalo na kapag nagtatago ang mga ito sa probinsiya. Hindi kasya ang kararampot na MOE ng PNP dahil kadalasan mga kosa, kapag bigtime ang hinahabol ng mga pulis na criminal, aabutin sila nang mahigit isang linggo sa probinsiya at kapag maluwag ang hepe ay sa hotel pa sila nakatira. Paano ang pagkain at gasolina nila, sa suweldo nila kukunin? Ano bali? Hahaha! Alam ni Corpuz ang problemang ito ng PNP dahil noong naka-assign pa siya sa CIDG at hepe ng NPD nagtamasa rin siya sa sugal lupa, di ba mga kosa? Tumpak!

Halos parehas ang problema ng PNP at mga pulitiko, tulad ng governor, congressman, mayor at isama ko na ang mga barangay chairman. Saan nila kukunin ang pangtustos sa tinatawag na KBL o kasal, binyag at libing na kinaugalian na sa probinsiya? Hindi lang ‘yan? Arok naman ng lahat na ang mga proyekto ng pulitiko ay may kaltas na halos 20 porsiyento at hindi na puwede ang dagdag bawas pa at baka mahalata na sila ng Commission on Audit (COA). Kapag iniinspeksiyon ba ng mga pulitiko ang mga pinapagawa nilang proyekto, eh me gastos din dun tulad ng pagkain at pamasahe. Boom Panes! At dito naman sa mga congressman, karamihan sa kanila ay taga-probinsiya at sino ang sasagot ng airfare nila kapag may caucus sa Kongreso? Baka darating ang araw na halos kalahati ng mga congressman ay hindi na maka-attend ng session dahil walang pamasahe kaya’t walang quorum ang Congress, di ba Speaker Pantaleon Alvarez Sir? Hehehe! Ito kaya ang dahilan kung bakit mahigpit na tinututulan ni Alvarez ang expanded STL? Ano sa tingin n’yo mga kosa? Puwede!

Sa biglang tingin, para umusad ang expanded STL, ang kailangan lang siguro ay dagdagan ni Digong ang pondo ng PNP at mga pulitiko. Subalit kapag ginawa ‘yon ni Digong, hindi niya mapipigilan ang iba pang ahensiya ng gobyerno na humingi ng dagdag pondo. Scary, di ba Vice Pres. Leni Robredo Mam? Maaring magaling sa numero ang nag-craft ng expanded STL subalit mananalo kaya sila sa mga gambling lords na lumaki na sa kalye? Hehehe! Weder-weder lang ‘yan! Dapat kumasa si Digong ng win-win solution sa sigalot na ito na dulot ng expanded STL at baka magulat siya sa darating na mga araw na kumokonti ang bilang ng mga disipulo niya! Abangan!

Show comments