EDITORYAL - Korapsiyon naman ang harapin

MAY tagumpay nang nakikita laban sa illegal na droga. Anim na buwan na ang nakalilipas mula nang simulan ang giyera para rito. At nagawa na ng Presidente ang nararapat. Marami nang drug syndicates at galamay nito pati na pushers ang nalambat. Marami na ring napatay sa police operations --- mahigit 2,000 at marami nang sumukong drug pushers. Pati drug addicts ay kusang nagtutungo sa mga awtoridad at sumusuko dahil sa pangambang madamay sila sa bagsik ng kampanya laban sa droga. Nakapagpagawa na ng mega rehabilitations center ang pamahalaan sa Nueva Ecija na kayang i-accommodate ang mga drug addict na gustong magbagumbuhay. Ayon kay President Duterte, marami pang rehab centers ang gagawin para mapabilis ang paggaling ng mga drug dependent.

Marami nang naging Presidente ang nagdaan at wala ni isa man sa kanila ang matapang na nakipaggiyera laban sa drug syndicates maliban kay Duterte. Siya lamang ang walang takot na naghayag ng mga pangalan ng pulis at pulitikong sangkot sa illegal na droga. Wala nang iba pa. Sa talamak na paglaganap ng droga sa bansa, maisisisi ito sa mga nagdaang Presidente. Hinayaan nilang mamayani rito ang mga sindikato ng droga. Hinayaang makapagluto ng shabu sa mga bahay sa eksklusibong subdibisyon at maski sa liblib na probinsiya ay walang takot kung magtayo ng shabu lab. Pero nang maupo si Duterte, maraming nawasak sa mga ito. Sa loob ng anim na buwan, maraming nalipol.

Ang dapat namang pagtuunan ngayon ni Duterte ay ang talamak na corruption sa mara-ming tanggapan ng pamahalaan. Sa kabila ng mga banta ni Duterte, marami pa rin ang ayaw tumigil sa pagnanakaw. Ngayong 2017, dapat nang taningan ni Duterte ang mga corrupt. Gamitan ng kamay na bakal. Sila ang dapat na isunod para naman makalaya sa korapsiyon ang bansang ito. Dito masusubok ang tapang ng Presidente. Simulan na ang pagdurog sa mga korap sa mga tanggapan ng pamahalaan.

Show comments