Si Alyas Nano ng Rizal, bow!

NAGSARA ang peryahan ni Aling Toyang na makikita malapit sa palengke ng Angono, Rizal. Hindi nagsara si Aling Toyang dahil sa kampanya ng pulisya mga kosa kundi dahil sa nakapatay ang lasing na poste n’ya. Noong Sept. 22 kasi, may naglaro na lasing na player sa peryahan ni Aling Toyang at kahit hindi n’ya taya ay pinakialaman n’ya. Ang siste, kinuyog ng mga poste ni Aling Toyang ang pobre at hayun namatay nga kaya’t tiklop ang peryahan ni Aling Toyang. Itinago pa ng Rizal police ang insidente sa media subalit alam n’yo naman mga kosa na sa panahon ngayon ng mga gadgets, wala ka nang maitago sa madlang people. Get’s n’yo mga kosa? Kaya’t sa pagsara ng peryahan ni Aling Toyang, napurnada ang ambisyon n’ya na magkamal ng limpak-limpak na salapi sa darating na kapistahan ng bayan ng Angono sa Nov. 23 at 24. At ang naiwang naka-nganga ay ang manugang ni Aling Toyang na si Allan, ang namamahala ng peryahan. Siyempre, nganga din ang tropa ng financier na si John Yap at SPO1 Antolin “Jhong” Vecario, ang bagman ni Calabarzon police director Chief Supt. Valfrie Tabian dahil wala silang makuhang lingguhang tara ke Aling Toyang. Hehehe! Buti nga!

 Kung nganga itong mag-among John Yap at SPO1 Vecario dahil sa pagsara ng peryahan ni Aling Toyang, ganun din si alyas Nano ng Rizal na ang ginigisa naman ay ang pangalan nina Gov. Nini Ynares at Antipolo City Mayor Junjun Ynares. Inaalmahan ng mga grupo ng financiers ng sugal na terembe itong si alyas Nano bunga sa sobrang lufet nito kung humingi sa kanilang lingguhang intelihensiya. Sinabi ng mga kosa ko na nag-iikot kasalukuyan itong si Alyas Nano sa lahat ng sulok ng Rizal para ikolekta ng lingguhang tara ang opisina nina Gov. Ynares at Mayor Ynares sa mga financiers ng sugal-lupa. Sinisiguro ng mga kosa ko na kapag naarok ng mga Ynares itong kabulukan ni alyas Nano, t’yak sa kangkungan ang bagsak n’ya. Sa ngayon kasi, iniiwasan ng mga financiers ng sugal-lupa itong si alyas Nano dahil abot nila na hindi makikialam itong sina Gov. Ynares at Mayor Ynares sa kararampot na kita sa sugal-lupa. Lalo na sa Antipolo City, walang may gustong magtayo ng ilegal na negosyo dun dahil kay alyas Nano. Aba, dapat palang bigyan ng plake ni Mayor Ynares itong si alyas Nano dahil hindi kaya ng lokal na pulisya ang magpasara ng pasugalan, di ba mga kosa? Punyeta! Epektib pala itong si alyas Nano kaya’t galit sa kanya ang mga financiers ng pasugalan. Hehehe! Tumpak!

Subalit madaming bitbit na operating unit itong si alyas Nano at pati CIDG-Padilla, ang Office of the Internal Security ni Int. Sec. Mike Sueno at opisina ni ret. Col. Ireneo Dordas, ang hepe ng POSO sa Antipolo City, ay ginigisa n’ya. Kapag ayaw mag-abot ng mga financiers ng sugal-lupa sa mga Ynares itong tatlong opisina ang gamit ni alyas Nano para maghatag sila. Ano ba ‘yan? Punyeta! Walang ligtas ang mga financiers kay alyas Nano ah! Tumpak!

Kaya’t umiiwas ang mga peryante at iba pang financiers sa Antipolo City dahil nilalaro lang sila ni alyas Nano sa mga kamay n’ya para mapuno ng barya ang bulsa n’ya. At kapag nalingat itong bagong hepe ng Antipolo police na si Supt. Ruben Andiso ay baka pati s’ya ay mabukulan ni alyas Nano. Me planong magsumbong kay Andiso itong mga terembe players subalit pagbigyan kaya sila eh bagyo sa sektang INC itong si alyas Nano? Hehehe! Weder-weder lang ‘yan!

Teka nga pala! Nanawagan ang mga pulis Antipolo kay Mayor Ynares na ibalik na ang apat na mobile car, tatlong back-to-back vehicles at isang Innova na ni-recall ng una noong panahon ni Supt. Simnar Gran. Sa totoo lang, naapektuhan ang pag-responde ng mga pulis sa mga kriminalidad sa siyudad ni Ynares bunga sa kawalan ng sasakyan. Si Gran ay nasibak na sa puwesto kaya’t sana ay lumamig na ang ulo ni Mayor Ynares at maibalik ang mga sasakyan at handa na silang pagsilbihan ang mga residente laban sa kriminalidad, lalo na vs illegal drugs.

Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan! Sino si alyas Nano? Abangan!

Show comments