EDITORYAL - Protektahan ang mga manggagawa

MARAMING manggagawa ang naaabuso ang karapatan. Marami sa kanila ang nagtatrabaho nang sobra-sobra pero hindi binabayaran nang sapat. May mga manggagawa na nagtitiis sa mainit na pabrika at hindi makapagreklamo dahil maaaring tanggalin ng sakim na kapitalista. Tinitiis na lang ang lahat kaysa naman walang pinagkakakitaan.

Ang limang presidentiables na sina Jejomar Binay, Rodrigo Duterte, Grace Poe, Mar Roxas at Miriam Defensor-Santiago ay may magagandang plano para sa mga manggagawa. Lahat sila ay nangangako nang pag-angat ng buhay ng mga maliliit na manggagawa. Sina Duterte, Poe at Santiago ay nangakong bubuwagin ang contractualization.

Maganda ang kanilang mga plano para sa manggagawa at sana nga sinuman sa kanila ang mahalal sa Mayo 9 ay tuparin ang pinangako sa mga manggagawa.

Maraming employer ang lumalabag sa Labor laws. Marami sa kanila ang hindi ipinagbabayad ng SSS at Philhealth contributions ang kanilang manggagawa. Kaawa-awa ang mga manggagawa na umaasang makakapag-loan sa SSS pero hindi pala. Hindi pala nire-remit ng employer ang kanyang hulog.

Maraming manggagawa ang niloloko ng kanilang employer sapagkat mababa pa sa minimum ang kanilang sinasahod.

Nararapat namang imbestigahan ang kalagayan ng batang manggagawa sa bukid, minahan, asinan, pabrika, construction. Nasa edad lima hanggang 17 ang mga batang manggagawa. Ayon sa National Statistics Office (NSO), nasa 5.49 milyon ang mga batang manggagawa sa bansa. Marami palang bata ang nagpipilit mabuhay nang marangal at saka sila dadagitin ng mga walang pusong employer.

Show comments