EDITORYAL - Mahirap sagutin

MALUNGKOT ang pagkikita sa pagitan ng mga kaanak at nang namatay na miyembro ng SAF noong Huwebes. Malungkot sapagkat nakasilid na sa kabaong ang mga napatay na SAF. Naging malagim ang kamatayan ng 44 na pinagtulungan ng mga miyembro ng BIFF na inayudahan ng MILF. Dumating ang mga bangkay (nasa kabaong at balot ng watawat ng Pilipinas) noong Huwebes ng gabi sa Villamor Airbase. Hindi naman sumalubong si President Aquino sapagkat nasa inagurasyon ng isang malaking Japanese car company sa Laguna. Mas naging prayoridad sa kanya ang pagdalo sa inagurasyon kaysa dumamay at magbigay ng inspirasyon sa mga kaanak ng biktima.

Noong Biyernes, ginawa ang necrological services sa mga bayaning nalugmok sa pakikipaglaban sa Maguindanao. Pinagkalooban ng medalya ng katapangan ang mga bayani na tinanggap ng asawa at anak ng mga ito. Pero halata ang lamig sa mga naulila sapagkat hindi halos sila tumingin sa mukha ni P-Noy. Umano’y mayroong ginang na tinanggihan ang medalyang pinagkaloob ni P-Noy. Nang magsalita ang isang ginang na kumakatawan sa mga naulila, mariin niyang sinabi na kailangan ng kani-kanilang asawa ang hustisya. Nanawagan ang ginang nang agarang imbestigasyon sa nangyaring brutal na pagpatay. Umiyak ang ginang. Halos madurog ang puso nang mga nakarinig sa kanyang panawagan.

Maraming katanungang hindi masagot sa nangyaring “masaker” sa mga miyembro ng SAF. Nagsilbi lamang ang SAF ng warrant laban sa dalawang terorista pero naging madugo ang resulta sapagkat nakaengkuwentro nila ang BIFF na tinulungan ng MILF. Pero ang nakapagtataka, wala man lang reinforcement na dumating gayung malapit lamang ang army camp sa pinangyarihan ng masaker. At ang tanong pa, bakit inilihim ang operasyon mismo sa Ac-ting PNP chief Director Gen. Leonardo Espina. Ayon kay Espina, huli na nang malaman niya na lumusob ang SAF sa Mamasapano. Katanungan din kung bakit nasasangkot ang pangalan ni dating PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima sa nangyaring operasyon ng SAF.

Marami pang katanungan sa nangyari. At walang kasagutan sa mga ito.

Show comments