EDITORYAL - Gusto n’yo bang mabawasan ng daliri?
Rosalinda L. Orosa (Pang-masa) - December 26, 2014 - 12:00am

NGAYON pa lamang ay may babala na ang Department of Health (DOH) sa publiko ukol sa pagseselebra ng Bagong Taon: Huwag nang magpaputok at baka lamang madisgrasya. Baka maputulan ng daliri, mabulag at masabugan ang katawan. May TV advertisement pa ang DOH na nagpapakita sa mga batang nasabugan sa daliri.

Pero tila wala pa ring kadala-dala ang marami sapagkat sa kasalukuyan mayroon pa ring nagpapaputok at sa report ng DOH, mayroon nang anim na bata na nasabugan ng pinapuputok na piccolo.

Noong nakaraang taon, nasa 599 ang bilang ng mga naputukan at karamihan sa mga ito ay bata. Mas mababa ang naputukan noong 2013 na umabot lamang sa 419. Wala namang namatay noong nakaraang taon dahil sa paputok.

Sinabi ng DOH na muli nilang isinusulong ang pagbabawal sa paggamit ng piccolo na karaniwang dahilan kaya may mga bata na napuputukan. Ayon sa DOH, ang piccolo na hindi pumutok ay pinupulot ng mga bata sa pag-aakalang hindi na puputok pero ang hindi nila alam, buhay pala at saka sasabog sa kamay. Kapag nasabugan sa daliri, kailangang pu­tulin iyon dahil na-damage na ng piccolo. May mga bata na nasabugan ng piccolo sa mga mata at mayroong na-report na batang nakalulon ng paputok.

Nararapat ngang ipagbawal ang mga paputok na lubhang mapanganib sa mga bata. At isa riyan ang piccolo na madali lang bilhin ng mga bata. Kapag hindi ipinagbawal ang piccolo, mas marami pa ang mapuputulan ng daliri.

Paigtingin ng PNP ang pagkumpiska sa mga piccolo para wala nang maibenta sa mga bata. Siguruhin lamang na hindi mare-recycle ang mga piccolo at baka itinda muli sa kalye. Mayroon daw isang police station sa Pasay na halos napapaligiran ng mga nagtitinda ng piccolo. Walang ginagawang hakbang ang mga pulis para hulihin ang mga nagtitinda.

Kasalanan din naman ng mga magulang kung bakit napuputukan ang kanilang mga anak. Kung lagi nilang binabantayan ang mga anak, hindi madi­disgrasya ang mga ito. Huwag hayaang lumaboy sa kalsada ang mga anak para hindi maputukan. Huwag hayaang magselebra ng Bagong Taon ang anak na lagas ang mga daliri. Ingatan sila.

AYON BAGONG TAON BATA DEPARTMENT OF HEALTH HUWAG KAPAG PICCOLO
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with