Empleyada, sinaksak ng snatcher sa batok pero hindi naramdaman

PAUWI na at naglalakad galing sa trabaho si Julia Po-pova, 22, empleyada, sa isang bayan sa Russia. Wala siyang kamalay-malay na isang snatcher ang nag-aabang sa kanya sa isang madilim na lugar.

Nang dumaan si Julia sa pinagkukublihan ng snatcher, hinablot nito ang kanyang bag. Pero malakas ang loob ni Julia at lumaban sa snatcher. Nakipag-agawan siya sa snatcher. Hindi niya binitiwan ang bag. Mahigpit na mahigpit ang kanyang pagkakahawak sa bag.

Ang hindi namalayan ni Julia, mayroon palang patalim ang snatcher at sinaksak siya sa batok. Pero walang naramdaman si Julia at patuloy pa ring nakipag-agawan sa bag. Sa dakong huli natangay din ang bag.

Patuloy siyang naglakad hanggang makarating sa bahay na hindi pa rin nararamdaman na may patalim na nakatusok sa kanyang batok.

Nalaman lamang niya iyon nang makita ng kanyang mga magulang ang nakatusok na kutsilyo sa batok. Ganoon na lamang ang pagkatakot na nadama ng mga magulang ni Julia at agad itong isinugod sa ospital.

Inalis ng mga doctor ang  6-inch na patalim na nakatusok sa batok. Naglagos iyon sa pagitan ng mga buto at himalang hindi nasugatan ang spinal cord ng dalaga. Sabi ng doctor, ang nadamang shock ni Julia sa pag-snatch sa kanyang bag ang naging dahilan kaya hindi nito naramdaman na may nakatusok sa kanyang batok.

Ganunman naniniwala ang mga magulang ni Julia na isang himala ang nangyari sa kanilang anak.

Show comments