UPANG magkaroon ng magandang ani, hindi sapat ang malawak na lupain. Kailangan ang mga masisipag at matitiyagang magsasaka na magbubungkal, magsasaka at magtatanim sa mga ito.
Lumaking sanay sa hirap ang 13-taong gulang na si Aira Gombot ng Lumbanao, Iloilo. Sa murang edad, nasaksihan niya kung paano iniraraos ng kanyang mga magulang ang pagpapalaki sa kanilang limang magkakapatid. Madalas ang perang kanilang kinikita mula pagbebenta ng isda ay kulang. Kahit tumatanggap ang kanilang pamilya ng P2,800 mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), hindi pa rin ito sapat upang matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya.
Upang makatulong sa gastusin, si Aida na mula pa sa isang malayong baryo sa Bontoc, ay nagtitinda ng bicho-bicho (Filipino doughnut) sa eskwelahan. Araw-araw naglalakad siya ng 10 kilometro papunta sa kanyang paaralan mula sa Lumbanao, dala-dala ang bilao ng bicho-bicho. Pinagmamalaki niyang ibinahagi na kumikita siya ng P25 kada araw. Dito niya kinukuha ang kanyang pamasahe at pambili ng mga pangangailangan nito sa eskwelahan. Hindi naging hadlang ang lahat ng ito kay Aira dahil napapanatili nito ang pagiging honor student. Nagtapos siya bilang valedictorian sa elementarya at kasalukuyang nag-aaral sa Lambunao National High School (LNHS). Siya ay nasa ikapitong baitang. Naniniwala ito na ang edukasyon ang magbibigay ng malaking pagbabago sa kanyang buhay. Nais nitong maging mahusay na guro upang makatulong rin sa mga batang nais matupad ang kanilang mga pangarap.
Ang mga masisikap na estudyante na tulad ni Aira ang inspirasyon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) upang ipagpatuloy ang pagpapagawa ng mga silid-aralan para sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa. Ang ahensiya ay nakapagbigay na ng halagang limang bilyong piso sa Department of Education (DepEd) at Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa implementasyon ng school building project. Ang paaralan ni Aira na LNHS ay tumanggap kamakailan lang ng two-storey, eight-classroom building na nagkakahalaga ng P11.27 milyon mula sa PAGCOR.
Bukod sa donasyon, ang state-gaming corporation ay naglaan ng P207.6 milyon pa sa pagpapagawa ng 139 na silid sa probinsiya ng Iloilo, partikular sa mga bayan ng Oton, Leon, Janiuay, Pototan, Estancia, Balasan, Iloilo City, La Paz, Jaro, Pavia at Ajuy. Sa 139 na silid, 64 dito ang tapos na at na-turn-over na sa iba’t ibang paaralan kasama na dito ang LNHS, Janiuay National High School, Oton National High School, Leon National High School, Pototan National Comprehensive High School, Estancia National High School, at Balisan National High School. Samantala, ang paggagawa naman ng 10 silid sa San Isidro Uswag Senior at Jaro II Elementary School ay malapit na ring matapos. Ang natitirang 65 na silid aralan ay multi-storey building na gagawin sa La Paz National High School, Iloilo National High School, Pavia National High School at Bucana Bunglas National High School.
Sa seremonya ng pag turn-over ng PAGCOR-funded na mga silid aralan sa LNHS, muling ipinaalala ng Chairman at CEO na si Cristino Naguiat, Jr. ang patuloy na pagsuporta ng korporasyon sa sektor ng edukasyon. Ayon sa kanya natutugunan ang suliranin ng kakulangan sa silid aralan sa pamamagitan ng Matuwid na Daan Sa Silid Aralan school building project.
Ayon dito, ito ang kauna unahang pagkakataon sa tatlong dekada ng PAGCOR na naglaan ito ng ilang bilyong piso para sa pagpapagawa ng mga silid aralan para sa mga kabataang Pilipino. “Alam natin ang matinding kakulangan sa silid-aralan ng ating mga public schools, kaya dito naka-focus ang atensyon ng PAGCOR. Lahat ng pwedeng tulong na maibigay sa education sector, ibibigay namin,” wika nito.
Samantala, ibinahagi ng punong guro ng LNHS na si Luda Ahumada na ang mga ginagamit nilang silid ay ginawa pa noong 1960’s. “Kahit na hindi na matibay ang mga silid na ito, napipilitan ang mga estudyante na dito mag klase dahil kulang talaga ang aming silid at ilang pasilidad. Luma na ang mga gusaling ito, yung bubong malapit nang bumigay. Kaya naman, kitang kita ang pagkakaiba ng two-storey building na natanggap namin mula sa PAGCOR.
Maraming salamat sa paniniwala na malaki ang magagawang pagbabago ng edukasyon sa buhay ng mga bata dito sa amin,” wika nito. Binigyang-diin naman ng Gobernador ng Iloilo na si Gov. Arthur Defensor ang importansiya ng maayos na kagamitan upang makapagbigay ng kalidad na edukasyon. Bilang produkto ng pampublikong paaralan, pinagmamalaking ibinahagi nito kung paano ito natulungan na maabot ang kanyang mga pangarap.
“Lumaki ako sa palayan ng Mina, Iloilo. Ang mga magulang ko ay parehong guro. Malaki ang pagpapahalaga ko sa pampublikong edukasyon dahil ito ang magiging kaagapay ng mga batang hirap makapag-aral. Kung hindi sila mabibigyan ng magandang edukasyon, mahirap para sa kanila ang makipagsabayan sa masalimuot na mundo. Ang tanging paraan upang di sila maiwan ay bigyan sila ng kalidad na edukasyon,” wika nito.
Nabanggit rin ng Gobernador na ang layunin ng pagbibigay ng magandang edukasyon para mga kabataang mahihirap at hindi ito magiging posible kung walang maayos na kagamitan tulad ng silid aralan. “Umaasa ako sa patuloy na suporta ng PAGCOR sa pag taguyod ng kalidad na edukasyon sa bansa,” pagtatapos nito. (KINALAP NI I-GIE MALIXI)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre Bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari rin po ninyong i-like ang www.facebok.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.