Uok (148)

“M AHIWAGA nga po pala ang buhay ni Osang, Sir Basil,” sabi ni Drew.

“Oo. Akalain mo bang yung naging nobyo ni Osang ay maghihiganti.’’

“Pero ang hindi mo po nalaman ay kung yung pinagbuntis ni Osang bago siya namatay ay ikaw ang ama?”

“Oo nga. Duda nga tuloy ako na baka yung pinagbuntis niya ay dun sa nobyo niya na naghiganti. Kaya pinatay ang asawa ni Osang ay dahil nga sa paghihiganti.’’

“Posible po.’’

“Ang pinagtataka ko nga lang ay kung bakit malagim ang wakas ng mga ba­baing nakarelasyon ko. Hindi ko maipaliwanag ang mga nangyari.’’

“Siguro po ay nagkataon lang.’’

“Hindi Drew. Lahat nang nakarelasyon ko, naging malagim ang wakas.’’

“Sabi mo po, 13 lahat ang nakarelasyon mo. Kung ganoon, 13 babae ang namatay?”

“Tama ka, Drew.’’

“At kasama  po sa 13 ang asawa ni Renato na kapatid ni Tiyo Iluminado.’’

Saglit na nag-isip si Basil.

“Oo. Siya nga ang pang­labintatlo. At sa kanya nga natapos ang pakikipagrelasyon ko.’’

“Ang kuwento po sa akin ni Tiyo Iluminado ay nagpa­kamatay daw yung asawa ni Renato, totoo po ba?’’

“Oo. Nalunod sa Ilog ng Pola.’’

“Pero yun pong si Renato ay namatay din. Nalunod din daw po.’’

“Nagpakamatay yung si Renato. Kasi nga hindi matanggap na nakipagrelasyon sa akin ang asawa niya. Kasi nga’y maganda ang kanilang pagsasama. Mahal nila ang isa’t isa.’’

“Kaya po galit na galit sa iyo si Tiyo Iluminado at siya nga po ang nagbansag sa iyo ng Uok. Marami ka raw pong sinirang tahanan.’’

“Pinagsisihan ko na iyon.’’

“Ano po ba ang nangyari sa inyo ng asawa ni Renato?”

“Gusto mo nang ma­rinig iyon? Ayaw mong marinig ang iba pa.”

“Kasi po naiintriga nga ako dahil sa sobrang galit ni Tiyo Iluminado sa’yo.’’

Napabuntunghininga si Basil.

“Magagalit nga si Iluminado sa akin dahil yung kapatid niyang si Renato ay matalik kong kaibigan. Hindi niya matanggap ang ginawa ko.’’

“Paano pong nangyari?”

Napabuntunghininga uli si Basil.

(Itutuloy)

 

Show comments