ANG niri-recognized na pinaka-matandang tao na nabubuhay sa mundo ngayon ay ang Japanese na si Misao Okawa, 115 taong gulang. Pero sabi ni Dhaqabo Ebba ng Ethiopia, siya ang pinakamatandang nabubuhay sa mundo. Ayon kay Ebba, siya ay 160 taong gulang.
Ganunman, walang maipakitang birth certificate si Ebba kaya hindi makumpirma ang kanyang claim na pinaka-matanda.
Si Ebba, isang magsasaka ay malinaw na malinaw ang memorya. Para mapatunayan na siya ang pinakamatanda, ikinuwento niya ang pag-invade ng Ethiopia sa kaharian ng Italy. Ang pag-invade ng Ethiopia ay nangyari 120 taon na ang nakararaan. Tandang-tanda raw ni Ebba ang mga pangyayari at hindi niya iyon malilimutan.
Nang panahon daw na iyon ay mayroon siyang dalawang asawa at ang kanyang anak na lalaki ang katulong niya sa pag-aalaga ng mga baka.
Sa kasalukuyan ay bulag na si Ebba subalit malinaw na malinaw niyang nasabi ang mga mahahalagang pangyayari sa Ethiopia, daang taon na ang nakalilipas.
Ayon sa mga awtoridad, maaaring nagsasabi ng totoo si Ebba. Maaari raw na ang birth certificate nito ay nawala o nasira na dahil sa matagal na panahon.