Magbago pa kaya?

Magbago pa kaya ugali ng Pinoy

Na di alintana ang buhay sa ngayon?

Mga kabataan ay naglilimayon

At sa pag-aaral ay walang direks’yon?

 

Masdan mo sa ngayon itong mga bata

Di na gumagalang sa mga matanda;

Sa maraming dako ay pagala-gala

Sa mga lansangan ay nakatunganga!

 

Ang ugaling ito nitong kabataan

Ay namana nila sa mga magulang;

Ang ama at ina lagi sa sugalan

Kaya mga anak napapabayaan!

 

Dapat ang magulang ay maging modelo

Nitong kabataang ngayo’y nalilito;

Sa isang tahanan ang ugaling wasto

Ituro sa anak habang bata ito!

Show comments