KAKAIBANG paraan ang ginawa ng mga doctor sa isang batang may malaking birthmark sa noo. Hindi lang basta birthmark ang nasa noo ni George Ashman, 5, kundi matingkad na kulay pula pa ito. Ang ina ng bata, si Karen, 33, ay masyadong nag-aalala sa magiging kalagayan ng anak kapag hindi naalis ang pulang birthmark. Natitiyak ni Karen na ibu-bully ang kanyang anak. Kaya, gumawa siya ng paraan para ito maipagamot sa mahusay na doctor.
Unang ginawa ng mga doctor ay nilagyan o nag-implant ng tissue sa magkabilang side ng noo ng bata. Mahirap ang procedure at kailangang maging maingat.
Apat na buwan ang lumipas at nakita ang unti-unting pagtubo ng tissue. Umuusbong ang itinanim na tissue. At ganoon na lamang ang pagkagulat nang marami nang makita ang tumubong tissue, sapagkat animo’y sungay iyon ng demonyo. Habang tumutubo ang sungay ay nai-stretch ang bahaging may birthmark.
Pagkaraan uli ng apat na buwan, inalis ang sungay. Ang birthmark ay tuluyan nang natakpan ng bagong tubong tissue.
Walang naiwang marka sa noo ni George. Hindi halata na nagkaroon siya ng sungay.