Karambola sa kalsada: Rider pisak sa trak

Cavite City , Philippines  — Isang tiyak na kamatayan ang sinapit ng isang 34-anyos na binata makaraang salpuking ng isang kotse ang minamaneho nitong motorsiklo at nang tumilapon ay nagulungan pa ito ng kasunod na Elf truck, kamakalawa ng hapon sa kahabaan ng Gov’s. Drive, Brgy. Mabuhay, Carmona, Cavite.

Dead-on-the-spot ang biktima na kinilalang si Eleasar Miranda, emplyedo sa isang kumpanya sa Peza Drive sa Brgy. Langkaan, Dasmariñas.

Naaresto naman ang driver ng trak na nakilalang si Nestor Singson 62-anyos, ng Lumang Daan, Altarez Village, Brgy. Maduya Carmona, Cavite.

Samantalang hindi naman nakilala ang driver ng kulay abong kotse na sumalpok sa biktima matapos itong tumakas.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-5:30 ng hapon nang maganap ang insidente, sakay ang biktima ng kanyang motorsiklo, na may conduction sticker 04010130818, at bumabagtas sa nasabing lugar.

Habang kasunod nito ang kotseng sedan, nag-overtake umano ang nasabing kotse dahilan upang masalpok nito ang motor ng biktima at tuluyang sumemplang, tumilapon ang biktima na hindi na naiwasan ng kasunod pang Elf truck (PMB-294) kung kaya’t nagulungan pa nito ang biktima.

Nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting In Homicide and Damage to Property ang driver ng nasabing trak habang kasalukuyan nang nagsasagawa ng follow-up ang pulis­ya para sa ikadarakip ng driver ng kotseng unang bumangga sa biktima.

Show comments