3 NPA lider sa Oriental Mindoro, sumuko

Kinilala ang mga nagsisuko na sina alyas Ka Nitong, Squad Leader ng Kilusang Larangan Guerilla (KLG) MAV at Vice Squad Leader ng Platun Age; alyas Opel, dating Platoon Leader ng KLG ICM at alyas Ka Melinda; Logistics Officer ng mga nalalabing kasapi ng KLG ICM ng NPA Command.
Boy Santos, file

MANILA, Philippines — Tatlong lider ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Oriental Mindoro ang boluntaryong sumuko sa tropa ng pamahalaan, ayon sa ulat nitong Miyerkules.

Kinilala ang mga nagsisuko na sina alyas Ka Nitong, Squad Leader ng Kilusang Larangan Guerilla (KLG) MAV at Vice Squad Leader ng Platun Age; alyas Opel, dating Platoon Leader ng KLG ICM at alyas Ka Melinda; Logistics Officer ng mga nalalabing kasapi ng KLG ICM ng NPA Command.

Sa naantalang ulat na tinanggap ni Army’s 2nd Infantry Division (ID) Commander Major Gen. Roberto Capulong, ang tatlong lider ng NPA ay sumuko may dalawang araw na ang nakalilipas sa tropa ng 4th Infantry “Scorpion” Battalion (IB) ng Phil Army sa Brgy Lisap, Bongabong ng nasabing lalawigan.

Isinurender rin ni Ka Nitoy ang kaniyang sniper rifle na bahagi ng mga armas ng komunistang grupo na kaniyang kinabibilangan.

Inamin ng mga nagsisukong lider ng komunistang grupo na nagdesisyon silang magbalik-loob na sa pamahalaan upang talikuran na ang armadong pakikibaka at makapagbagong buhay.

Gayundin, dahilan sa matinding hirap at gutom na tinitiis sa pamumuhay sa kagubatan.

Show comments