MANILA, Philippines — Simula na sa Marso ay itataas na sa P125.00 kada linggo o kabuuang P500.00 ang buwanang limitasyon sa diskuwento na nakukuha ng senior citizens at persons with disabilities (PWD) sa pagbili ng grocery at iba pang prime commodities tulad ng bigas, itlog, tinapay at iba pa.
Ito ang inihayag ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez matapos itong makipagpulong nitong Martes ng gabi sa mga opisyal ng Department of Trade and Industry sa pamumuno ni Usec. Carolina Sanchez na ipinabatid na tatalima sila sa suhestiyon ng lider ng Kamara na maitaas ang limitasyon sa diskuwentro ng mga seniors at PWDs.
Una nang hiniling ni Romualdez ang pagtataas sa 5% diskwento na nakukuha ng mga seniors at PWDs na limitado lamang sa P65 kada linggo.
Sinabi ni Romualdez na ang anunsyo kaugnay ng pagtataas ng discount limit sa P125 kada linggo o P500 kada buwan ay sumunod sa ginawang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bagong batas kung saan ang mga Pilipino na magdiriwang ng kanilang ika-80, 85, 90, at 95 kaarawan ay makatatanggap ng tig-P10,000.
Bagama’t nasa proseso pa ng konsultasyon, sinabi ni Sanchez na inaasahan na maipatutupad ang pagtataas sa buwanang discount sa susunod na buwan.
Kasama lamang sa binibigyan ng diskwento ay ang mga pangunahing bilihin at prime commodities gaya ng bigas, mais, tinapay, karne, isda, manok, itlog, mantika, asukal, gulay, prutas, sibuyas, bawang, at fresh o processed milk, maliban sa mga medical grade milk.
Kasali rin ang mga manufactured goods gaya ng processed meat, sardinas, at corned beef pero hindi kasali ang mga premium brands.
Bibigyan din ng diskwento sa pagbili ng pangunahing construction supplies gaya ng semento, hollow blocks, electrical supplies kasama ang bombilya.
Habang ang mga premium items kasama ang mga non-essential food gaya ng cake at pastries ay hindi kasali sa bibigyan ng diskwento.