MANILA, Philippines — Isang 28-anyos na babaeng negosyante ang nasawi habang sugatan ang ama nito nang pagbabarilin ng mga holdaper nang tanggihang ibigay ang kanilang kita sa pagbebenta ng kape nitong Miyerkules sa Barangay Libutan, Mamasapano, Maguindanao del Sur.
Dead on the spot ang biktimang si Janine Villagustin Hinay, habang ginagamot sa ospital ang ama nito na si Dionisio Corposinay Hinay, 56, kapwa residente ng Barangay San Emmanuel, Tacurong City.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente, alas-2:00 ng hapon sa kahabaan ng Barangay Libutan ng nasabing lungsod.
Lulan ng multicab ang mga biktima nang harangin ng mga armadong suspek at magdeklara ng holdap.
Kinuha ng dalawang suspek ang sling bag na naglalaman ng pera ng mga biktima subalit nanlaban ang mag-ama, dahilan upang sila ay pagbabarilin ng mga holdaper.
Nagtamo ang babaeng biktima ng mga tama ng bala sa binti, kanang braso at tiyan na kanyang ikinamatay, habang ang tatay naman ay nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang binti.
Agad na tumakas ang mga suspek bitbit ang sling bag ng babaeng biktima na naglalaman umano ng P30,000 cash.
Patuloy ang hot pursuit operation ng pulisya para sa posibleng pagkakakilanlan at agarang pagdakip ng mga suspek.