MANILA, Philippines — Isang dating alkalde sa bayan ng Cateel sa lalawigan ng Davao Oriental ang binaril at napatay ng hindi pa kilalang gunman habang nasa loob ng kanyang sasakyan, kahapon ng umaga sa Buhangin, Davao City.
Kinilala ang nasawing biktima na si Giselo Velasco Castillones, dating mayor bayan ng Cateel mula 1983 hanggang 1986.
Sa inisyal na imbestigasyon, alas-10:10 ng umaga ay lumabas na ang biktima sa isang fast food chain at nang makasakay sa kanyang kulay gray Mitsubishi Expander, nilapitan ng gunman at walang kaabug-abog na pinagbabaril ng apat na beses gamit ang caliber-45 pistol.
Nasugatan din ang driver ni Castillones na si June Castro, at isang Alma Lozentes, 57, trader at residente sa Brgy. San Rafael, bayan ng Cateel.
Nang masiguro ng gunman na napatay ang biktima ay agad na tumakas sakay ng motorsiklo.
Rumesponde ang mga operatiba ng Central 911 at nadatnan na nilang patay si Castillones habang ang sugatan na driver ay dinala sa Southern Philippines Medical Center (SPMC).
Nabatid sa website ng bayan ng Cateel na si Castillones ay nanalong vice mayor noong 1982, subalit naupong mayor noong 1983 dahil sa succession.