MANILA, Philippines — Pinangalanan na kahapon ng militar ang estudyante ng University of the Philippines-Los Baños at miyembro ng LGBTQ na napatay sa isang engkwentro sa Oriental Mindoro.
Sa ‘virtual press conference’ ng Integrated Communications Operations Center (ICOC) ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), kinilala ni Brig.Gen. Randolph Cabangbang, commander ng Army’s 203rd Infantry Brigade, ang estudyante na si Jethro Isaac Ferrer, a.k.a. Bondo, tubong Pangasinan.
Nanawagan si Cabangbang kay Yvann Zuñiga a.k.a. Paolo at umano’y karelasyon ni Ferrer na lisanin na ang komunistang-teroristang samahan para na rin sa kanyang kapakanan at magandang kinabukasan.
Isinisi umano ni Cabangbang ang pagkamatay ni Ferrer sa mga opisyal ng unibersidad at ng ilang mga magulang na pinababayaang mapasok ang paaralan ng mga ‘legal fronts’ ng CPP-NPA-NDF, na siyang sumisira ng mga kinabukasan ng mga kabataang Filipino.