MANILA, Philippines — Kung mapatatalsik si Vice President Sara Duterte ay mapipilitan umanong tumakbo si dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang bise presidente o senador.
Ang sinabi nito ng dating Pangulo ay kaugnay sa umano’y impeachment talks ng ilang miyembro ng Kamara laban sa Bise Presidente.
“Alam ninyo ba kapag ginawa ninyo ‘yan, babalik ako sa pulitika… Mapilitan ako—it’s either I run for senator or I will run for vice president maski matanda na ‘ko,” sinabi ni Duterte sa panayam ng SMNI nitong Lunes ng gabi, Nobyembre 20.
“Mapipilitan akong lumabas sa retirement eh. When I begin to talk… election is just around the corner, talagang magka-babuyan tayo. I do not lose anything, I’m retired. Pero pagdating niyan na buhay pa ‘ko, ‘pag wala pa akong dementia, tatakbo akong… vice president… Kung si Inday ang presidente, okay lang,” dagdag pa niya.
Para naman kay Sara, susuportahan niya ang anumang planong politikal ng kanyang ama.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi “deserve” ni Sara Duterte ang ma-impeach, at sinabing tututukan niya ang naturang isyu.
Para naman kay House Speaker Martin Romualdez, wala siyang nababalitaan ng usapin kaugnay sa impeachment laban kay Duterte.