2 estudyante natagpuang nakabigti sa iskul

Kinilala ng Taguig Police ang mga biktima sa mga alyas na Mary, 15-anyos, Grade 10; at Irish, 13-anyos, Grade 8 student ng Signal Village National High School sa Taguig City.
STAR / File

MANILA, Philippines — Nagsasagawa ng malalimang imbestigas­yon ang pulisya matapos na dalawang babaeng high school students ang natagpuang kapwa patay habang nakabigti sa loob ng kanilang eskwelahan sa Taguig City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng Taguig Police ang mga biktima sa mga alyas na Mary, 15-anyos, Grade 10; at Irish, 13-anyos, Grade 8 student ng Signal Village National High School sa Taguig City.

Sa inisyal na ulat ng Taguig City Police-Sub-Station 6, dakong alas-11:00 ng gabi ng Nobyembre 10, 2023 nang madiskubre ang mga katawan ng dalawang biktima na kapwa nakabigti sa loob ng Girl Scout Mini Office ng nasabing paaralan.

Batay sa salaysay sa pulisya ng isang 16-anyos na estudyanteng babae, huling nakita niyang buhay pa ang mga biktima alas-7:45 ng gabi ng nasabing petsa. Sinabihan pa umano siya ng mga biktima na uuwi na.

Nang magbukas ng messenger ay nabasa umano niya sa group chat account na hindi pa pala nakauwi ang dalawa kaya nagpasiya na agad na ha­napin.

Nadiskubre na lamang niya na nakabigti na ang dalawa sa loob ng nasabing mini office.

Ini-report na niya sa mga duty security guard ang natuklasan kaya iniulat na sa pulisya.

Samantala, ang nasabing insidente ay nag-trending na sa social media matapos i-post ng pinsan ni Irish ang paghingi ng hustisya dahil hindi umano magagawa ng kaniyang pinsan ang magpakamatay.

“Our family is asking and begging for your help— to all the classmates, teachers and friends of Irish Sheen Manalo and her classmate, Mary, come forward and tell the truth. Sheen and her classmate Mary were found dead last night, “naka­bigti” raw according sa mga guards ng Signal Village National High School, nilabas ng police ‘yung dalawang bata without the SOCO. Uncooperative ‘yung Signal Village National High School and wala raw CCTV na gu­magana sa school,” batay sa mga post ng isang Rhea Manalo.

“Please look into this DEPED TAPAT-Division of Taguig City and Pateros DepEd Philippines and Mayor Lani Cayetano. My cousin was an honor student and part of the GSP. She’s at Grade 8, Gold Section. She will not dare kill herself.” *We are still waiting for the autopsy result as of this post. Any help to assist us and our family to get justice for Sheen, please message me or her Ate Irene Jade Garcia Manalo,” dagdag pa sa post.

Show comments