Mga Pinoy sa Israel, pinaiiwas sa pagpunta sa matao, sensitibong lugar

View of Jerusalem from the Mount of Olives, gazing at Temple Mount and the golden Dome of the Rock.
STAR / File

MANILA, Philippines — Inabisuhan ng Philippine Embassy sa Israel ang mga Pilipino na umiwas o ipagpaliban ang pagpunta sa matatao at sensitibong lugar hanggang  April 30, 2023 dahil sa security concerns.

Kabilang sa mga lugar na ito ang West Bank; Jerusalem; Temple Mount; Damascus Gate; Herod’s Gate; Al Wad Road; Musrara Road; mga lugar sa paligid ng East Jerusalem; at mga lugar malapit sa border ng Gaza at Lebanon.

Pinaalalahanan din ng embahada ang mga Pilipino na manatiling mag-ingat at obserbahan ang kanilang paligid, huwag din kumuha ng mga larawan at video o lumapit sa anumang insidente ng karahasan, at agad na lisanin ang lugar na may tensyon.

Sa advisory pa ng embahada sa kanilang Facebook ay pinag-iingat sa pagsakay sa mga pampublikong sasakyan at iwasan lapitan ang mga Israeli security forces na nakatalaga sa mga sensitibong lugar.

Dapat rin sundin ng mga Pinoy ang guidelines ng Israeli security forces at ng Home Front Command.

Para sa emergency, maaaring tawagan ng mga Pilipino sa mga sumusunod, base sa embahada: Magen David Adom – 101; Police – 100; Home Front Command – 104; Israel Electric Corporation – 103; Municipality Call Center – 106/107/108; Philippine Embassy emergency hot­line: +972-54-466-1188.

Base sa ulat na nito lamang buwan ay pinagbabaril ng Palestinian gunman ang Israeli couple sa kanilang sasakyan sa West Bank na kung saan ay nasugatan ang lalaki.

Show comments