Brgy. chairman, 4 kasama todas sa ambush

MANILA, Philippines — Limang katao ang nasawi kabilang ang isang barangay chairman nang paulanan ng matataas na bala ang kanilang sasakyan ng mga hindi pa kilalang suspek sa naganap na ambush, kamakalawa sa Zamboanga del Norte.

Namatay noon din ang mga biktima na kinilalang sina Baluban Brgy. Capt. Allie Manangca;  kapatid na sina  Ani  at Alfahad; kamag-anak na si Anisa Manangca at Shilben Mussadin Basa. Habang sugatan naman sina Alwaf Ma­nangca at Norman Tulino, kapwa magsasaka.

Ayon kay Col. Glen Dulawan, Zamboanga del Norte provincial police director, sakay ng Toyota  Hilux ang mga biktima at tinatahak ang kahabaan ng Brgy. Pina sa Sirawai nang paulanan ng bala ng mga kalalakihan na armado ng matataas na kalibre ng baril.

Ilan sa mga saksi ang nakakita na tinarget ng mga suspek ang  ulo  at katawan ng mga biktima.

Matapos ito, mabilis na nagsitakas ang mga suspek sa iba’t ibang direksiyon.

Rido ang isa sa mga  nakikitang dahilan ng mga otoridad na motibo sa ambush.

Lumilitaw na isang insidente ng pamamaril noong Disyembre 2022 sa bayan ng Sirawai ang nangyari at ang pamilya ng barangay captain ang pinagdudahang responsable rito.

Inilunsad na ang hot pursuit operation sa mga karatig bayan sa Zamboanga del Norte para mahuli sa lalong madaling panahon ang mga responsable sa pananambang.

Show comments