Online reklamo vs Kotong enforcers, inilunsad

Reresolbahin sa loob ng 72-oras - MMDA

MANILA, Philippines — Kasunod ng pagkakasangkot ng isa namang traffic enforcer sa pango­ngotong, inilunsad na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang “online complaint platform” na magagamit ng mga motorista para maghain ng pormal na reklamo laban sa mga tiwaling enforcers.

Layunin ng MMDA na mas mabilis na makarating sa kanila ang mga reklamo ng mga motorista laban sa mga abusadong kawani ng ahensya.

Ayon kay MMDA Chairman Atty. Romando Artes sa programang Sakto ng TeleRadyo kahapon ng umaga, kanilang inilunsad ang nasabing online complaint platform para sa mga drayber na gustong magreklamo sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa link na https://bit.ly/3J62YhH o pag-scan sa QR code na makikita sa mmda.gov.ph.

Ang pagsusumite ani­ya ng reklamo ay simula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon, mula Lunes hanggang Biyernes. Kapag naisumite ang form na lagpas na sa alas-5:00 ng hapon ay ikokonsidera na ito sa susunod na araw para maasikaso.

 “Bago po ito, pinadali po natin yung proseso. May pi-fill-up-an lang silang mabilis, tatlong questions lamang po pangalan, yung ticket number at yung kanilang reklamo,” ani Artes.

Ipinag-utos din ni Artes na sa loob ng 72-oras ay kailangang maresolba na ng MMDA Traffic Adjudication Division ang anumang reklamo. Maaari aniyang gamitin ang online form para kuwestiyunin o i-contest ang traffic citation ticket na ibinigay sa kanila hinggil sa traffic violations.

Noong Huwebes nang arestuhin ang isang MMDA traffic enforcer dahil sa pangongotong sa isang motorista sa Quezon City. Isasailalim na sa inquest proceedings ang suspek at sasampahan ng kasong administratibo na posibleng magresulta sa pagkatanggal nito sa serbisyo.

Show comments