Bus vs trak: Konduktor utas, 8 sugatan

MANILA, Philippines — Patay ang isang konduktor ng bus habang walong iba pa ang nasugatan matapos na sumalpok ang kanilang pampasaherong bus sa nakaparadang trailer trak kamakalawa ng hapon sa Aritao, Nueva Vizcaya.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang konduktor ng Victory Liner na si Clifford Coronel Adaro dahil sa tinamong pinsala sa ulo at katawan.

Kritikal naman ang drayber ng bus na si Armando Bautista, 58, habang sugatan din pero ligtas na sa kapahamakan matapos dalhin sa Regional Health Unit (RHU) ng bayan ng Aritao ang walong pasahero.

Sa ulat ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office (PPO), alas-3:30 ng hapon nang salpukin ng bus ang nakaparadang trailer sa kahabaan ng Maharlika Highway, Purok 6, Barangay Bone South.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang malaman ang dahilan ng pagsalpok. - Victor Martin

Show comments