MANILA, Philippines — Inanunsyo kahapon ng Manila Electric Company (Meralco) na magpapatupad sila ng tapyas-singil sa kuryente na halos 21 sentimo ngayong buwan ng Agosto.
Sa isang paabiso, nabatid na ang overall rate para sa typical household ay babawasan ng Meralco ng 20.87 sentimo kada kwh.
Kaya’t ang magiging overall rate ay P9.5458/kWh na lamang ngayong Agosto mula sa P9.7545/kWh noong nakaraang buwan.
Ang pagbaba ng singil ay sa gitna na rin ng ipinaiiral na refund ng Meralco, batay sa utos ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Bukod dito, bumaba rin ang generation charge para sa buwan ng Agosto, na natapyasan ng 19.44 sentimo at naging P6.5812/kWh mula sa dating P6.7756/kWh noong nakalipas na linggo, kasunod na rin ng mas mababang charges mula sa power supply agreements (PSAs).
Nabatid na ang tapyas-singil ay katumbas ng P42 bawas-presyo sa mga kumokonsumo ng 200 kwh; P63 sa konsumong 300 kwh; P83 sa konsumong 400 kwh; at P104 sa konsumong 500 kwh.