Sim Card Registration Bill na-veto ni Duterte

MANILA, Philippines — Hindi nilagdaan para maging ganap na batas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ipinasa sa Kongreso na panukalang Sim Card Registration Act na naglalayong iparehistro ang lahat ng SIM cards at social media providers, dahil kailangan pa umano ng mas masusing pag-aaral ukol dito.

Ayon kay acting presidential spokesperson Martin Andanar, pinuna ni Duterte na hindi kasama ang “social media” sa orihinal na bersyon ng panukala kaya na-veto at kailangang mas pag-aralan pa ito.

“The President noted that the inclusion of social media providers in the re­gistration requirement was not part of the original version of the bill and needs a more thorough study. Prior versions only mandated the registration of SIM cards,” ani Andanar.
Idinagdag ni Andanar na nakita ng Pangulo na hindi masyadong na­bigyan ng kahulugan at napag-aralan ang tungkol sa “state intrusion” o regulasyon tungkol sa social media registration.
Aniya, bagaman at pinupuri ni Duterte ang Kongreso sa pagsisikap na masawata ang mga insidente ng cybercrime, hindi naman ito sumasang-ayon sa pagkakasama ng social media sa panukala nang walang tamang guidelines at malinaw na depinisyon.

 Naniniwala umano ang Pangulo na maaa­ring maging mapanganib ang gagawing pakikialam ng gobyerno at survei­llance na makakaapekto sa maraming karapatan na pinoprotektahan ng Konstitusyon.

Sinisi naman ng isang mambabatas si Senate Minority Leader Franklyn Drilon dahil sa pagkaka-veto ng Pangulo sa naturang panukalang batas.

Ayon kay Deputy Speaker at Valenzuela City Rep. Wes Gatcha­lian, pangunahing may-akda sa Kamara ng nasabing panukalang batas, dahil sa “insertion” o pagsisingit sa probisyon ng social media registration ni Drilon kaya nagdesisyon si Duterte na i-veto o huwag lagdaan ang naturang panukalang batas. – Joy Cantos

Show comments