Comelec welcome ang pagsampa ng kaso laban sa Oplan Baklas

MANILA, Philippines — “I would recommend to anyone who has a problem with what we are doing to file a complaint about what we are doing.”

Ito ang paghihikayat ni Commission on Elections (Comelec) Spokesman James Jimenez makaraang dumugin ng kritisismo buhat sa iba’t ibang sektor partikular na sa kampo ni Vice President Leni Robredo ang uri ng implementasyon sa pagbabaklas.

Subalit, tiniyak ni Jimenez na gumagawa na sila ng mga hakbang para masunod ng tama ang kanilang ipinatutupad na alituntunin na ipagpapatuloy pa rin nila.

“We are gonna continue doing that. Again, if anyone feels that they have an action against the Comelec, they should pursue that action,” paglilinaw pa ni Jimenez. Samantala, kakastiguhin umano ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang sinumang pulis na nagbaklas ng election tarpaulin na nakalagay sa private properties.

Ito ang sinabi ni PNP Spokesman P/Col. Jean Fajardo,bunsod ng reklamo ng kampo ni Vice President Leni Robredo sa inilunsad na Oplan Baklas ng Comelec na anila’y paglabag sa karapatan ng mga botante gayundin sa batas.

Mahigpit ang paalala ng liderato ng PNP sa mga tauhan nito na maging non-partisan o walang kiniki­lingan sa panahong ito ng halalan.

Dagdag ni Fajardo, tutukuyin nila ang mga pulis na sangkot sa video.

Nilinaw ni Fajardo na responsibilidad ng mga pulis ang seguridad ng mga botante at kandidato habang ang Comelec, DENR at DPWH naman ang siyang bahalang magbaklas ng mga campaign posters sa mga hindi common poster areas. - Doris Franche

Show comments