5 sangkot sa ‘Mark Nagoyo’ bank hacking, tiklo sa NBI

Iprinisinta ng National Bureau of Investigation (NBI) sa media ang limang suspek kabilang ang dalawang Nigerian na sangkot sa “Mark Nagoyo” bank hacking incident matapos na maaresto ang mga ito sa Floridablanca, Pampanga.
Russell Palma

MANILA, Philippines — Limang katao kabilang ang 2 Nigerian na sangkot sa malawakang bank hacking incident na kung saan ay mahigit 700 depositor ang nabiktima ang naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang entrapment operation.

Kinilala ni NBI Officer-In-Charge (OIC) Director Eric B. Distor ang mga nadakip na sina Ifesinachi Fountain Anaekwe, alyas Daddy Champ; Chukwuemeka Peter Nwadi, kapwa Nigerian; Jherom Anthony Taupa; Ronelyn Panaligan; at Clay Revillo   na bumubuo sa “Mark Nagoyo Heist Group”.

Sa ulat, Enero 18 nang unang madakip sina Anaekwe at Nwadi sa ikinasang entrapment operation ng NBI-Cybercrime Division sa may Mabalacat, Pampanga nang isang asset ang nagbigay ng impormasyon sa grupo makaraan na makipagtransaksyon sa kanila.

Ayon sa impormante, sangkot ang mga suspek sa isang negosyo ng pagbibigay ng serbisyo sa sinuman na nais mai-encash ang kanilang pera na nakuha sa iligal na pamamaraan gamit ang ‘access devices’.

Unang tumawag sa impormante ang isang nagpakilalang ‘Mark Froilan’ ukol sa pag-cash out, saka kinontak si ‘Daddy Champ’ na siyang magbibigay sa impormante ng tatlong magkakaibang accounts na pagdadalhan ng tig-P10 milyon bawat isa mula sa pondong natangay sa bangko.

Dito na nagkasa ng entrapment operation ang NBI na nagresulta sa pagkakadakip ni Anaekwe o Daddy Champ at ni Nwadi habang nasa aktong nagbebenta ng mga accounts.

Itinuturong utak ng grupo si Taupa na naaresto rin sa isang hiwalay na entrapment operation sa Floridablanca, Pampanga kung saan nagbebenta umano ito ng ‘scampage’ na imitasyon ng Gcash webpage at kayang makuha ang ‘log-in details’ ng kanilang bibiktimahin.

Si Taupa ang siyang nagpapadala ng mga ‘email list’ na may mga datos ukol sa iba’t ibang kustomer ng bangko sa isang grupo na nagpapadala naman ng ‘scam email’ sa mga biktima.

Kapag binuksan ang link, magagamit na ang impormasyon ng biktima para ma-hack ang kanilang bank accounts.

Nadakip rin sa nasabing operasyon sina Panaligan at Revillosa na itinuturong sangkot rin sa hacking bilang web developer at downloader. Ang limang suspek ay kinasuhan at nakakulong na.

Show comments