MANILA, Philippines — Upang makilala ang mga hindi bakunadong residente sa kanilang lugar ay inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga barangay officials na magsumite ng listahan.
Kinumpirma ni DILG Undersecretary at Spokesperon Jonathan Malaya na nagpalabas na si Interior Secretary Eduardo Año ng kautusan para ipatupad ang restriksiyon sa galaw ng mga tao na hindi pa bakunado laban sa COVID-19.
Alinsunod aniya ito sa pahayag ni Pang. Rodrigo Duterte na limitahan ang galaw ng mga unvaccinated individuals.
Sinabi ng opisyal na kung available na ang inventory, maaari nang magpatupad ang mga barangay ng restriksiyon sa mga di pa bakunado sa pamamagitan ng ordinansa.
Inihayag din ni Malaya na sa Metro Manila, tanging ang mga lungsod na lamang ng Pasig, Makati, at Navotas ang hindi pa nagpasa ng ordinansa hinggil sa restriksiyon.
Inaasahan din ang iba pang LGUs sa ibang lugar ay magpapasa na rin ng kahalintulad na ordinansa matapos na magpalabas na ang League of the Provinces of the Philippines ng resolusyon hinggil dito. - Malou Escudero