‘Di bakunado, walang ayuda sa ECQ’, fake news

MANILA, Philippines — “Fake news” ang impormasyong kumakalat na hindi makatatanggap ng ayuda ang mga hindi bakunadong indibidwal sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ).

“Ang sinabi po ba naman na kung wala kang bakuna ay wala kang matatanggap na ayuda. Nag-panic ang mga tao.Nagpuntahan ng umaga sa mga vaccination center. Nagkagulo,” saad ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairperson Benhur Abalos.

Nauna rito, kahapon, o isang araw bago ang muling pag-iral ng ECQ, ay maraming tao ang dumagsa at pumila sa mga COVID-19 vaccination sites sa Metro Manila, partikular na sa mga lungsod ng Maynila, Las Piñas, at Masinag sa Antipolo City.

Nagbabala naman ito sa mga nagpapakalat ng fake news at sinabing iniim­bestigahan na ng National Bureau of Investigation ang mga nasa likod nito.

Sinabi naman ni DILG spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya, walang katotohanan ang ulat na ang mga bakunadong indibidwal lamang ang bibigyan ng pamahalaan ng ECQ ayuda dahil ang naturang ‘ayuda 2’ ay para  sa mga ‘low-income individuals’, anuman ang vaccination status ng mga ito.

Tiniyak rin ni Malaya na isinasapinal na ng pamahalaan ang guidelines para mapabilis ang paglalabas ng naturang tulong pinansiyal.

Sa natanggap namang impormasyon ng Manila Public Information Office (PIO), lumilitaw na nagdagsaan ang mga tao sa vaccination centers sa Maynila dahil sa impormasyong aarestuhin sila paglabas nila ng bahay sa panahon ng ECQ kung hindi pa sila bakunado. - Ludy Bermudo

Show comments