MANILA, Philippines — Kung hindi pa umalingasaw ay hindi madidiskubre ang naaagnas na bangkay ng isang babae sa loob ng isang inabandonang kotse sa tabi ng Maharlika Highway, Purok 6, Brgy. Don Tomas, Sta. Elena, Camarines Norte, kamakalawa.
Ang bangkay ay nakilala sa pamamagitan ng nakuhang ID na si Mary Ann Galicia Esguerra, residente ng Cluster 24, Unit 1E, Cambridge Village, Brgy. San Andres, Cainta, Rizal.
Sa ulat, alas-8:50 ng umaga ilang residente ang napadaan sa nakaparadang silver Toyota Camry (UPZ-367) sa tabi ng highway at naamoy ang masangsang na amoy mula sa loob ng sasakyan.
Nang silipin ay nakita ang bangkay ng isang babae sa backseat ng kotse kaya’t agad inireport sa mga otoridad.
Ayon sa ilang residente na umaga noong Hulyo 23 ay nakita nila ang nasabing kotse na nakaparada sa lugar.
Isinailalim na sa otopsiya ang bangkay upang malaman ang sanhi nang pagkamatay ng biktima.