MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ni dating senador Jinggoy Estrada na hindi binigyan ng mga doktor ng Ivermectin o ng Lianhua Qingwen para gumaling sa COVID-19 ang kanyang ama na dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada.
Ayon kay Jinggoy, nagkaroon silang magkakapatid ng diskusyon kung dapat bang bigyan ang kanilang ama ng anti-parasitic drug na Ivermectin ngunit tumanggi ang mga doktor dahil ito anila ay gamot lamang para sa mga hayop.
Ang Ivermectin ay matatandaang naging kontrobersiyal dahil maraming tao, kabilang na ang mga kilalang politiko, ang nagpapatunay na gumaling sila sa COVID-19 matapos na gumamit nito.
Aminado naman ang dating senador na dahil sa dami ng gamot na ibinigay ng mga doktor ay hindi na niya batid kung alin sa mga ito ang nakapagpagaling talaga kay Erap.