PACC nakatanggap ng 8 libong reklamo sa ayuda

Noong nakaraang taon, tumanggap ang PACC ng 9,000 reklamo ukol naman sa distribusyon ng ‘special amelioration package (SAP)” na nagkakahalaga ng P8,000 kada benepisaryo.
Philstar.com/Irish Lising, file

MANILA, Philippines — Nakatanggap ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ng nasa 8,000 reklamo na may kaugnayan sa distribusyon ng mga lokal na pamahalaan sa ipinangakong P1 hanggang P4 libong ayuda.

“Very alarming po iyan... I hope po talaga iyong mga nakikinig sa atin ngayon will help each other, you know mga barangay are getting involved with this,” ayon kay PACC Chairman Greco Belgica sa isang public briefing.

Noong nakaraang taon, tumanggap ang PACC ng 9,000 reklamo ukol naman sa distribusyon ng ‘special amelioration package (SAP)” na nagkakahalaga ng P8,000 kada benepisaryo.

Matatandaan na naglabas ang pamahalaan ng P22.9 bilyong pondo para mabigyan ng ayuda ang mga mahihirap na mamamayan makaraang muling ibaba ang ‘enhanced community quarantine (ECQ)’.

Ngunit makaraang matanggal na ang ECQ at nasa ‘modified enhanced community quarantine (MECQ) na ang NCR Plus, malaking bahagi pa rin ng pondo ang hindi naipamamahagi.

Unang ipinangako ng Malacanang na lahat ng bahay ay makatatanggap ng ayuda.

Ngunit sa inilabas na panuntunan ng Department of the Interior and Local Government, uunahin ang mga benepisaryo ng 4Ps, SAP, at mga waitlisted.

Ang Department of Social Welfare and Deve­lopment (DSWD) naman ang gumawa ng listahan.

Show comments