Mga biyahero mula sa NCR Plus, Cebu City at Davao City bawal pumasok sa Region 6

MANILA, Philippines — Inanunsiyo ni Presidential spokesperson Harry Roque na simula sa Abril 10, 2021, hindi na muna papapasukin sa Region 6 ang mga biyahero mula sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Cebu City at Davao City.

Ito ay matapos na aprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases ang kahilingan ng Western Visayas na malimitahan ang mga pumapasok sa kanilang lugar kabilang ang mga bumibisita sa Boracay.

Matatandaan na pinalawig ng isang linggo ang pagsasailalim sa enhanced community quarantine sa tinatawag na NCR Plus hanggang Abril 11 dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Samantala, inihayag din ni Roque na ­inaprubahan ng IATF ang pagbili ng 500,000 antigen test kits para mapaigting ang testing sa NCR Plus kasama ang Batangas at Pampanga.

Show comments