Red tide alert nakataas sa 13 probinsiya

MANILA, Philippines — Hindi ligtas kainin ang lahat ng uri ng shellfish at maging alamang na makukuha sa ilang lugar sa 13 lalawigan.

Ito ang inianunsyo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) matapos na magpositibo ang mga nakolek­tang shellfish sa red tide o paralytic shellfish poison na lampas sa regulatory limit, at ang coastal waters na nakitaan naman ng presensiya ng toxins.

Ang mga naturang lugar ay ang Inner Malampaya Sound, Taytay sa Palawan; Sorsogon Bay sa Sorsogon; coastal waters ng Dauis at Tagbilaran City, Bohol; Tambobo Bay, Siaton sa Negros Oriental; coastal waters sa Daram Island, Zumarraga, San Pedro, at Cambatutay Bays sa Western Samar; coastal waters sa Calubian, Leyte, Carigara Bay, Ormoc Bay at Cancato Bay, Tacloban City sa Leyte; coastal waters ng Biliran Islands, coastal waters ng Guiuan at Matarinao Bay sa Eastern Samar; Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur; Balite Bay, Mati City sa Davao Oriental; at Lianga Bay at coastal waters ng Hinatuan sa Surigao del Sur; Murcielagos Bay (Sapang Dalaga at Baliangao) at coastal waters ng Ozamiz City, Misamis Occidental; at Taguines Lagoon, Benoni, Mahinog, sa Camiguin.

Ligtas namang kainin ang mga isda, pusit, hipon at mga alimango ngunit kinakailangang sariwa ang mga ito at nahugasang mabuti at dapat ding tanggalan ang mga ito ng internal organs, gaya ng hasang at bituka, bago lutuin at kainin.

Show comments