Deputy chief ng Taguig jail arestado sa rape ng lesbian
MANILA, Philippines — Arestado ang deputy chief ng Taguig City Jail dahil sa panggagahasa umano sa isang lesbian matapos mag-inuman sa loob ng paupahang bahay ng opisyal kamakailan sa Pasay City.
Sinampahan ng kasong rape sa Pasay City Prosecutor’s Office. Kinilala ang inaresto na si Jail Capt. Ramon Carolino ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Nabatid na inaresto si Carolino ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos ireklamo ng 26-anyos na biktima.
Sa imbestigasyon, sinabi ng biktima na Enero 26 nang yayain siya ng suspek na kanyang kasera sa paupahan na makipag-inuman sa kanya at mga kasamahan na pinagbigyan naman niya bilang pakikisama. Nang makaalis ang mga kasamahan, tinutukan umano siya ng suspek ng baril at dito na siya puwersahang ginahasa.
Kinabukasan, agad na nagreklamo sa NBI ang biktima. Isinailalim sa medical exam ang biktima at nakumpirma na may laceration sa kaniyang kaselanan. Sinabi pa ng NBI na nagkaroon ng ‘mental trauma’ ang biktima matapos ang kaniyang sinapit.
Sa kaniyang depensa, itinanggi ni Carolino na pinuwersa niya ang biktima at iginiit na ‘consensual sex’ o may pagsang-ayon ang nangyari sa pagitan nila.
- Latest