DOH sa mga debotong dumalo ng Traslacion: Mag-isolate kung may sintomas ng COVID-19

MANILA, Philippines — Hinimok ng Department of Health na kaagad mag-isolate at mag-ulat sa otoridad ang sinumang dumalo sa Traslacion na makararanas ng sintomas ng coronavirus disease (COVID-19).

“Kapag dumalaw sa celebration, after 3 to 5 days kapag may sintomas kayo ay mag-isolate at mag-report sa kanilang quarantine sa barangay,” saad ni DOH Undersecretary Leopoldo Vega.

Aniya, batid ng kagawaran na may ilang lugar malapit sa Quiapo Church ang hindi nasusunod ang social distancing.

“Generally ang dumating sa amin, gene­rally peaceful and safe sa labas at loob ng Quiapo Church. Ang nagkaroon ng problema ay malayo sa simbahan,” ani Vega.

Ayon pa sa pamunuan ng simbahan na ginawa nila ang lahat upang masunod ang health protocols.

“Hindi naman talaga intensyon ng mga deboto na lumabag. Hindi naman po talaga nagdikit-dikit,” punto ni Vega.

Tinatayang aabot sa 300,000 hanggang 500,000 ang dumalo sa Kapistahan ng Itim na Nazareno nitong Sabado ayon sa kapulisan.

Samantala, sinabi rin ni Vega na wala pang kaso ng bagong strain ng coronavirus sa bansa.

Show comments