Justice Leonen kinasuhan ng impeachment sa Kamara

MANILA, Philippines — Dahilan umano sa “betrayal of public trust” at paglabag sa Konstitusyon ay sinampahan kahapon ng kasong impeachment si Supreme Court Associate Justice Mario Victor “Marvic” Leonen sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ang reklamo laban kay Leonen ay inihain ni Filipino League of Advocates for Good Government Secretary General Edwil Cordevilla na inindorso ni 2nd District Ilocos Norte Rep. Angelo Marcos Barba, kamag-anak ni  dating Senador Ferdinand “Bongbong”Marcos Jr.

Si Leonen ay siyang humahawak ng electoral protest ni Bongbong laban kay Vice President Leni Robredo sa Presidential Electoral Tribunal.

Si Cordevilla ay kinatawan naman ng pro-Marcos na si Atty. Larry Gadon na iginiit na ang kabiguan ni Leonen bilang mahistrado na maghain ng Statement of Assets and Liabilities (SALN) ang pagkakaantala ng resolusyon sa kaso kabilang ang nakabimbin sa House of Representatives Electoral Tribunal kung saan si Leonen ang nagsisilbing Chairperson ay sapat na batayan upang isulong ang pagpapatalsik rito sa puwesto.

Una nang ibinasura ng Korte Suprema ang kahilingan ni Gadon at ng Office of the Solicitor General na ma-access ang SALN ni Leonen para umano sa paghahanda ng quo warranto petition laban sa mahistrado.

Ang nasabing kahalintulad na prosesong legal ay ginawa na rin ni Gadon noong 2017 na nagpatalsik kay dating Supreme Court Justice Maria Lourdes Sereno noong 2018.

Show comments