Ex-chief of police sa Jolo ‘rub-out’, utas sa ambush

MANILA, Philippines — Bulagta ang dating hepe ng Jolo Police na nasibak dahil sa pagkakasangkot ng mga tauhan nito sa “rub-out” ng apat na miyembro ng Philippine Army sa Sulu noong Hunyo, makaraang tambangan ng mga armadong kalalakihan sa Sultan Mastura, Maguin­danao nitong Sabado.

Kinilala ang biktima na si Lt. Col. Walter Annayo, 41-anyos na nalipat ng destino sa himpilan ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BARMM) sa Camp SK Pendatun sa Parang, Maguindanao.

Sa ulat ng Maguindanao Police, dakong alas- 1:45 ng hapon nang mangyari ang krimen sa kahabaan ng Narciso Ramos highway sa Brgy. Macabiso, Sultan Mastura, Maguindanao.

Ayon sa pahayag ng mga testigo, si Annayo ay bumaba sa kanyang kulay puting Toyota Fortuner sports uti­lity vehicle (GAL 2258) nang biglang dumating sa lugar ang isang SUV at pagbabarilin ng mga sakay nito ang opisyal.

Magugunita na si Annayo ang hepe ng Jolo Police nang mangyari ang sinasabing rubout at hindi engkuwentro sa apat na miyembro ng Philippine Army na sina Major Marvin Indammog; Captain Irwin Managuelod, Sgt Eric Velasco at Corporal Abdal Asula na noon ay nagsasagawa ng intelligence operations laban sa mga bombers sa Sulu.

Show comments