Sekyu sa BI, P10 milyon ang yaman

Bureau of Immigration
File

1 pang ordinaryong kawani may-ari ng mga condo at sasakyan....

MANILA, Philippines — Isang security guard at isa pang ordinar­yong empleyado sa Bureau of Immigration ang kumita ng multi-milyon sa mga nakalipas na taon.

Sa lifestyle check na isinagawa ng NBI, isang empleyado na may salary grade na P32,000 kada buwan ay may net worth na P27.9 milyon kabilang dito ang sari-saring mga pag-aaring condominium units at mamahaling sasakyan.

Isang ‘chief of staff’ naman na may item na ‘security guard’ at may suweldong higit sa P14,000 lamang kada buwan ang may net worth naman na higit P10 milyon.

May net worth lamang siya na kulang P4 milyon noong 2015 na biglang lumobo kasabay ng pagdagsa ng POGO sa bansa.

Plano ng NBI na ipatawag muli ang mga empleyado ng BI na dawit sa ‘Pastillas Scam’ upang isailalim muli sa imbestigasyon.

Partikular na uungkatin ang isang video footage ng pulong ng mga senior officials at ilang empleyado ng BI.

Makikita na magkakasunod sila na lumabas ng parking area sakay ng magagarang mga ‘luxury at sports cars’ na milyun-milyon ang halaga.

Napansin din ng NBI sa kanilang travel records ang halos buwan-buwan ang out of town trips ng ilan sa kanila.

Sinabi ni NBI Special Action Unit head Emeterio Dongallo na kaila­ngang maipaliwanag ng mga tauhan ng BI kung saan nagmula ang kanilang ari-arian dahil sa hindi ito nagtutugma sa tinatanggap nilang suweldo.

Show comments